MANILA, Philippines – MAAARING magpatupad ng pension hike ang Social Security System (SSS) nang hindi nagtataas ng kontribusyon ng mga miyembro.
Sa pinakabagong episode ng The BBM Podcast, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na kumpiyansa siya sa financial health ng SSS.
Aniya, ang lumalaking bilang ng mga nagtatrabahong Pilipino ay maaaring magamit na pambawi sa anumang short-term effect sa pondo ng SSS.
“That’s fine because the SSS is growing anyway. Our population is growing. Our working population is growing,” ayon sa Pangulo, sabay sabing “So ‘yun ang bawi doon — it will continue to grow.”
Nauna rito, nag-anunsyo ang Social Security System ng tatlong taon na pension increase na magsisimula ngayong Setyembre.
“Starting this year, all 3.8 million pensioners as of August 31, 2025, will receive annual pension increases every September until 2027,” ayon sa SSS.
Minaliit naman ni Pangulong Marcos ang mga alalahanin ukol sa long-term sustainability, sabay sabing batay sa pagtataya ng gobyerno, ang pondo ng SSS ay mabilis na lumalaki at maaaring humabol o malampasan pa ang Government Service Insurance System (GSIS).
“In fact, in our estimation, SSS in terms of its fund is growing at such a rate that it will be bigger than GSIS soon,” ayon sa Pangulo. Kris Jose