NUEVA ECIJA, Philippines – Pumanaw na ang 18-anyos na lalaki na nagbaril sa sarili matapos na barilin umano ang isang 15-anyos na babaeng estudyante sa loob ng isang paaralan sa Sta. Rosa, Nueva Ecija.
Matatandaang pumasok sa paaralan ang suspek at nagtungo sa silid-aralan ng biktima upang kausapin. Ngunit nauwi ito sa pagbaril ng suspek sa dalagita, pagkatapos ay nagbaril sa sarili.
Kinumpirma ng pulisya ang pagpanaw ng suspek dakong ala-3:50 ng hapon, kahapon Agosto 8, 2025 habang ginagamot sa ospital dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo.
Nananatili namang nasa kritikal na kalagayan ng biktimang dalagita.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung saan nakuha ng suspek ang kalibre .22 na baril na ginamit niya sa krimen.
Lumilitaw sa imbestigasyon na dating kasintahan ng suspek ang biktima.
Isa sa mga posibleng motibo sa likod ng krimen, ayon sa mga awtoridad, ay ‘crime of passion’ matapos umanong hindi matanggap ng suspek ang pakikipaghiwalay ng biktima.
“Accordingly, mag-lover sila then naghiwalay. Parang tinitingnan [motibo] is crime of passion ang nangyari. Parang nakipaghiwalay yata yung babae, ngayon according sa witness na kaibigan ng babae, hindi accepted ng lalaki [ang nangyaring breakup],” ayon sa pahayag ni Police Major Willard Lumawig Dulnuan, hepe ng Sta. Rosa Police Station. RNT/MND