Home NATIONWIDE Kaso ng leptospirosis, maaari pang tumaas -DOH

Kaso ng leptospirosis, maaari pang tumaas -DOH

257
0

MANILA, Philippines – Maaaring tumaas pa rin ang bilang ng mga kaso ng leptospirosis sa mga susunod na araw, sinabi ng tagapagsalita ng Department of Health nitong Sabado, Agosto 9, 2025.

“Ang warning po namin is noong July 26, noong weekend na ‘yon, counting from that up to today, naka-one week pa lang tayo more or less. Remember po ang incubation period ng leptospirosis is one to two weeks. So maaari pang tumaas ‘yung numero [ng mga kaso]. Sana hindi na [tumaas],” ayon kay DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo

Ang tinutukoy ni Domingo ay ang panahon kung saan ang Southwest Monsoon (Habagat) na pinalakas ng tropical cyclone na Crising, Dante, at Emong ay nagdulot ng malakas na pag-ulan at pagbaha sa maraming bahagi ng bansa. Maraming Pilipino ang kinailangang tumawid sa baha para makapunta sa kanilang mga tahanan o sa kanilang mga pinagtatrabahuan.

Mula Hulyo 13 hanggang Agosto 6, may kabuuang 1,272 kaso ng leptospirosis ang naitala sa buong bansa.

Nang tanungin kung ito ay nakakaalarma, sinabi ni Domingo na ikinumpara ng DOH ang mga bilang ngayong taon sa nakaraang taon.

“Na-realize namin noong July 2024, [during Typhoon] Carina, ganito rin. Mas mataas ‘yung numero noong nakaraang taon comparatively. Pero hindi natin sinasabi na maging kampante,” aniya.

Samantala, may kabuuang 2,396 na kaso ng leptospirosis ang naitala ng DOH mula Hunyo 8, isang linggo matapos ideklara ng PAGASA ang pagsisimula ng tag-ulan, hanggang Agosto 7.

Sa mga naitalang kaso sa kasalukuyan, saad ni Domingo: “Ito ‘yung sinasabi natin sa Department of Health na kapag nagkaroon ng baha, at tayo ay napalusong tayo sa baha tapos mga 1 to 2 weeks later, wala tayong ginawa–kahit walang naramdaman sa simula, darating ang lagnat, pananakit ng katawan.”

“‘Yung nakikita natin ngayon, kaya sila nasa ospital, ‘yan ang leptospirosis na tinatawag na severe. Bakit po? Tinatamaan ang kanilang bato, kidneys. Meron tayong nakikita na tinatamaan ang baga, yung lungs. Maaari ring tamaan ang utak. Nagkakaroon din sa ating utak,” dagdag niya.

Sinabi ni Domingo na ang East Avenue Medical Center ang nangunguna sa listahan ng mga ospital ng DOH sa dami ng na-admit na leptospirosis patients. Sinusundan ito ng: San Lazaro Hospital, National Kidney and Transplant Institute, Sta. Ana Hospital, Ospital ng Maynila Medical Center, Quezon City General Hospital, Amang Rodriguez Memorial Medical Center, Jose B. Lingad Memorial General Hospital, Ilocos Training and Regional Center, Dr. Jose M Rodriguez (Tala Memorial Hospital) at Tondo Medical Center.

Sinabi ni Domingo na maaaring makipag-ugnayan ang mga local government unit sa Metro Manila Center for Health Development sa 0956-175-3710 o 0920-251-1800 para malaman kung aling mga ospital ang maaaring tumanggap ng mga pasyente ng leptospirosis.

Sinabi rin niya na lahat ng ospital ng DOH ay may kakayahang gamutin ang leptospirosis at magsagawa ng dialysis, parehong chemodialysis at peritoneal dialysis.

Sinabi rin ng DOH na nakaalerto ang mga ospital nito at naglagay din ng mga fast lane ng leptospirosis sa ilan sa mga ito upang agad na matulungan ang mga pasyenteng nagpapakita ng sintomas. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here