MANILA, Philippines – Binigyang diin ng Malakanyang na ang boto ng Senado na i-archive ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte ay hindi kontra sa administrasyong Marcos.
Ang katuwiran ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ang administrasyong Marcos ay ‘not a party in the proceedings.”
Pinanindigan ni Castro na hindi makikialam ang Executive Department sa impeachment process.
“Hindi ang ehekutibo ang nagsampa o nag-submit ng Articles of Impeachment kundi ang House of Representatives,” diing pahayag ni Castro sa isang panayam.
Sinabi pa ni Castro na ang boto ng Senado ay hindi makasasama kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kundi sa House prosecutors at doon sa mga naghahanap ng katotohanan sa alegasyon ng maanomalyang paggamit ng pondo,
“So kung meron mang dito na sinasabi ang desisyon ay laban, laban kanino? Most probably hindi sa administrasyon ni Pangulong Marcos Jr.,” ang tinuran pa ni Castro.
Binigyang diin pa rin ni Castro na igagalang ni Pangulong Marcos ang desisyon ng Korte Suprema sa motion for reconsideration ng House of Representatives.
“Noon pa natin sinagot ito. Kung anuman ang magiging desisyon ng Supreme Court yan ay igagalang ng Pangulo, ng Ehekutibo. Bakit? Because the Supreme Court is the final arbiter of any legal issues.” lahad ni Castro. /Kris Jose