Home OPINION SALAMAT SSS! TUNAY KITANG NAGING KATUWANG AT KABALIKAT

SALAMAT SSS! TUNAY KITANG NAGING KATUWANG AT KABALIKAT

280
0

SA buhay, may mga pagkakataong tila walang kasiguraduhan ang bukas. Naranasan ko iyon nang pumanaw ang aking asawa dahil sa kanser. Para bang gumuho ang mundo ko. Naiwan sa akin ang mabigat na responsibilidad na itaguyod ang kinabukasan ng aming dalawang anak. Ang tanging mayroon ako ay ang Php 1,800 kada buwan na survivor’s pension mula sa Social Security System (SSS).

Para sa karamihan, maliit na halaga lang ito, hindi man lang sapat para sa lahat ng pang-araw-araw na gastusin. Pero pa­ra sa akin, ito ang naging binhi ng pag-asa. Sa halip na gastusin agad sa mga bagay na panandalian lang, pinili kong i-invest ito sa kinabukasan ng aking mga anak. Kumuha ako ng Pacific Educational Plan insurance plan pa­ra sa kanilang edukasyon. Alam ko kasi na ang pinakamahala­gang pamana na maibibigay ko ay hindi kayamanan, kundi ang ka­alamang magagamit nila habambuhay.

Hindi naging madali ang landas na tinahak namin. Pinagsabay ko ang pag-aalaga sa kanila, paghahanapbuhay, at maingat na paghahawak ng pera. Maraming gabi na halos wala akong tulog para maitaguyod sila. Nasanay ako sa pagtitipid, iniwasan ko ang mga luho, at inuuna ko ang pangangailangan nila bago ang sarili ko. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, hindi ako nawalan ng pag-asa. Lagi kong iniisip na balang araw, makikita ko ang bunga ng lahat ng aking hirap at sakripisyo.

Sa tulong ng SSS monthly pension kaya nakapaghulog sa educational plan at sa aking wa­lang sawang pagsusumikap, nakapag-aral ang mga anak ko sa mga prestihiyosong paaralan. Ngayon, pareho na silang may maayos na trabaho at mas maganda na ang kanilang buhay. Wala na akong ibang hiling kundi makita silang masaya at ligtas, at iyon ang pinakamalaking gantimpala para sa akin bilang ina.

Ngayon, mayroon na rin akong sarili kong pensyon mula sa SSS. Bagama’t maaari ko itong ituon sa sariling kaginhawahan, mas pinipili kong gamitin ang bahagi nito para tumulong sa kapwa. Minsan ay nagbibi­gay ako ng kaunting tulong pinansyal, minsan naman ay pagkain o simpleng suporta sa mga nangangailangan. Sa maliit na paraan, nakakapagbahagi ako ng biyaya.

Para sa akin, ang pensyon mula sa SSS ay hindi lamang buwanang benepisyo. Isa itong patunay na kapag pinagsama ang sipag, tiyaga, at diskarte, maaari itong maging simula ng mas maganda at matatag na kinabukasan. Natutunan ko na kahit maliit ang halagang natatanggap, kung ito ay gagamitin nang matalino at may pusong handang magsakripisyo, kayang maabot ang mga pangarap.

Sa huli, ang kuwento ko ay naglalaman ng pagmamahal ng isang ina, ng katatagan sa harap ng unos, at ng pagbabahagi ng biyayang tinanggap. Patunay ito na sa bawat pagsubok, laging may landas patungo sa pag-asa, at kadalasan, nagsisimula ito sa isang maliit ngunit makabuluhang hakbang. Salamat, SSS, tunay kitang naging katuwang at kabalikat.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here