Home HOME BANNER STORY Mga sundalo, dating rebelde suportado ni Bong Go

Mga sundalo, dating rebelde suportado ni Bong Go

266
0

MANILA, Philippines – Muling iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go, vice chairman ng Senate committee on national defense, ang kanyang buong suporta sa kapakanan ng mga sundalo, iba pang uniformed personnel at mga dating rebelde.

Ginawa ni Go ang naturang pahayag nang maging panauhing pandangal ito sa inagurasyon ng Kaakibat Hall sa headquarters ng 39th Infantry (Smash’em) Battalion, 10th Infantry (Agila) Division ng Philippine Army sa Poblacion, Makilala, Cotabato noong Biyernes.

Tampok sa naturang seremonya ang ribbon cutting, unveiling of a marker, signing of the guest book at brief tour of the new facility na magsisilbing functional at symbolic space para sa military personnel na nagpapakita ng solidaridad, kooperasyon at pagkalinga sa tropa.

Dumating si Go sa kampo kung saan malugod siyang tinanggap nina Vice Mayor Ryan Tabanay, Board Member Neneng Macasarte, at Captain Hercules Marabe.

Pagpasok sa loob, sinalubong naman siya nina Congressman Rudy Caoagdan, incoming Battalion Commander Lieutenant Colonel Hector Estolas, Lieutenant Colonel Anthony Solamo, at Colonel Silas Trasmontero. Naroon din sina Mayor Armando Quibod at Magpet Vice Mayor Toto Gonzaga.

Sinimulan ni Go ang kanyang talumpati sa pamamagitan ng pagpapasalamat sa buong komunidad sa panibagong pagkakataon na ibinigay sa kanya para magsilbi sa Senado.

“Kanina kasi pagdating ko maraming nagpasalamat sa mga tulong, sa mga programa katulad nitong Kaakibat Hall. Huwag po kayong magpasalamat sa akin. Sa totoo lang po ako po ang dapat magpasalamat sa inyo dahil binigyan n’yo po ako ng pangalawang pagkakataon na makapagserbisyo po sa inyo. Maraming, maraming salamat po sa inyong lahat,” aniya.

“Hindi ko po sasayangin ‘yung tiwalang ibinigay n’yo po sa akin. Magseserbisyo po ako para sa Pilipino. Sipag, pagmamalasakit, at more serbisyo po ang pwede kong ialay sa inyo. Uunahin ko ang interes ng Pilipino, interes ng bayan at lalung lalo na po ‘yung mga mahihirap nating kababayan,” dagdag pa ni Go.

“Alam n’yo noong unang termino, unang taon ng kanyang termino ay siya ‘yung nag-reach out talaga. Sabi niya, ‘Gusto ko na maging inclusive ang gobyerno ko, so magtulungan tayo.’ Kaya lang po sa kalagitnaan hindi nagkasundo. Pero doon ko po napatunayan ‘yung sinseridad ni former president Duterte sa pakikipag-usap. Kung ano ‘yung sinabi niya, kung ano ‘yung ipinangako niya, ginagawa n’ya. ‘Yung sincerity po ang kailangan,” dagdag niya tungkol kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ako po’y hindi nawawalan ng pag-asa sa ating mga former rebels. Full support po ako sa inyo noon. At magbalik-loob tayo sa gobyerno. Mas masarap po ang buhay rito. At nakikiusap lang po ako sa gobyerno, huwag pong pabayaan ang ating mga former rebels sa mga programa na makakatulong para makapagsimula lang kayo ng panibagong buhay,” ani pa niya.

“Mga kababayan, minsan lang tayo dadaan sa mundong ito. Kung anong kabutihan o tulong na pwede natin gawin sa atin kapwa ay gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito. Ako ang inyong Senator, Kuya Bong Go, patuloy na magseserbisyo sa inyong lahat dahil ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo po ‘yan sa Diyos,” pagtatapos nito. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here