Home METRO P1.1-M ‘bato’, ‘damo’ nasabat sa Cavite, Batangas

P1.1-M ‘bato’, ‘damo’ nasabat sa Cavite, Batangas

339
0

LUCENA CITY, Philippines – Naaresto ng pulisya ang 12 suspek sa magkahiwalay na anti-illegal drug operation noong Linggo at Lunes sa Cavite at Batangas.

Nakuha sa mga operasyon ang mahigit P1.1 milyong halaga ng “shabu” (crystal meth) at marijuana, kasama ang dalawang ilegal na baril at isang hand grenade, iniulat ng Region 4A police.

Sa Bacoor City, Cavite, inaresto ng grupo ng mga anti-narcotics agents ang isang drug trafficker na kinilalang si “Kuya” alas-12:50 ng tanghali noong Linggo.

Nadakip ang suspek matapos magbenta ng tinatayang limang kilo ng pinatuyong marijuana na nagkakahalaga ng P375,000 sa isang undercover na pulis sa isang transaksyon sa Tirona Highway sa Barangay Habay 1.

Si “Kuya” ay inuri bilang high-value individual (HVI) sa illegal drug trade, na tumutukoy sa mga financier, traffickers, manufacturers, at importers ng illegal drugs, gayundin ang mga lider o miyembro ng drug syndicates.

Alas-11:10 ng gabi noong Linggo, nahuli rin ng lokal na pulisya ang anim na tulak sa kalye na sila alyas “Zacaria,” “Dan,” “Julius,” “Eric,” “Arnel,” at “John” sa isang sting operation sa Barangay San Nicolas 3.

Nakuha sa grupo ang P6,800 halaga ng shabu, isang homemade shotgun na may isang bala, at isang hand grenade na nakatago sa loob ng belt bag.

Sa lalawigan naman ng Batangas, nahuli si alyas “Juliet,” na tinaguriang HVI, sa isang buy-bust operation sa Barangay Malitam, Batangas City, bandang alas-11:28 ng gabi ng Linggo.

Nakuha umano sa suspek ang dalawang heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na 50 gramo, na nagkakahalaga ng P340,000.

Inaresto rin ng parehong police team ang street pusher na si alyas “Kenneth” sa Barangay Sorosoro Ilayan alas-7:50 ng gabi, na nakumpiskahan ng 15.38 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P104,584.

Sa bayan ng San Juan, nahuli ng mga pulis ang isang street pusher na si alyas “Jamilah,” sa Barangay Abung alas-1:50 ng madaling araw nitong Lunes at nakuhanan ng P282,300 halaga ng shabu.

Nauna rito, inaresto ng isa pang grupo ng lokal na pulis sina alyas “Arnel” at “Ronald” sa isang buy-bust operation sa ibang bahagi ng parehong barangay. Nakuha sa dalawa ang P2,040 halaga ng shabu.

Natuklasan din kay Ronald ang isang hindi dokumentado na .45 caliber pistol na may kargang isang bala.

Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang lahat ng mga suspek at mahaharap sa kaukulang mga kasong kriminal. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here