MANILA, Philippines – Si Sen. Kiko Pangilinan ay bumisita sa Department of Agriculture (DA) Central Office ngayong Lunes upang pag-usapan ang mga legislative prority ng sektor.
Sinabi ni Pangilinan, Senate Agriculture Committee Chair, na kabilang sa kanyang mga prayoridad ang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law, na matagal nang itinutulak ng DA.
“Ang posisyon ko kailangan rebisahin ito kasi malinaw na hindi natugunan ang pagtaas ng presyo ng bigas na dapat sana bumaba,” aniya.
“Kailangan busisiin saan ang gaps ng batas at dapat amyendahan ito,” dagdag niya.
Nakipagpulong din si Pangilinan sa mga grupo ng magsasaka na nag-aaplay ng tulong para sa mga dryer at trak sa ilalim ng Sagip Saka Law.
“Pinag-usapan pa ang iba pang batas para mapalakas pa ang presensya ng gobyerno at ng DA hanggang sa municipal level, hindi lang sa regional level,” ayon kay Pangilinan.
Sinabi ni Pangilinan na gagamitin niya ang kanyang karanasan sa executive at legislative branch para ayusin ang mga amendment na kailangan sa Rice Tariffication Law at palakasin ang sektor ng agrikultura.
Tumakbo si Pangilinan sa ilalim ng plataporma ng food security, na sinasabing higit niyang uunahin ang mga panukalang batas na makakatulong sa mga Pilipino na makayanan ang pagtaas ng presyo ng pagkain. RNT/MND