Home NATIONWIDE Transport groups nanawagan ng P1 provisional fare hike

Transport groups nanawagan ng P1 provisional fare hike

255
0

MANILA, Philippines – Pormal na naghain ng petisyon ang ilang transport group sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa nationwide P1 provisional fare increase bunsod ng patuloy na mataas na presyo ng langis.

Ayon kay Pasang Masda president Obet Martin, tumaas na ng P4.50 kada litro ang presyo ng diesel sa nakalipas na apat na linggo. Kahit may inaasahang rollback bukas, sinabi niyang hirap pa ring kumita nang sapat ang mga tsuper at operator ng jeepney.

“Alam niyo yang rollback na yan hindi pa rin po sapat para matakpan yung mga nagdaang pagtataas… may naiwan pa tayong P3 ngayon kung ibababa nila ng ganun, we will recall our motion to implement the P1 provisional increase,” aniya.

Giit naman ni ALTODAP president Boy Vargas, pansamantala lamang ang kanilang hirit.

“Kung mag-normalize po ang diesel natin pwede naming ibaba automatically. Hindi po ang purpose namin dito pahirapan ang ating mga kababayan kung hindi humihingi lang kami ng konting pabor sa kanila na tulungan naman po nila kami,” wika niya.

Noong Hunyo, humiling din ng dagdag-pasahe ang parehong grupo matapos tumaas ng P5 kada litro ang diesel sa loob ng isang linggo dahil sa tensyon sa Middle East.

Sa halip, mas ikinonsidera ng Department of Transportation (DOTr) at LTFRB ang pamamahagi ng fuel subsidy, ngunit hindi rin ito naipatupad nang bumaba ang presyo ng langis matapos ang ceasefire sa pagitan ng Israel at Iran.

Tanong kung posible ulit ang fuel subsidy, sinabi ni Martin na dapat itong ipatupad kaagad.

“Kung fuel subsidy ang pag-uusapan natin… kailangan ma-implement na po ang fuel subsidy,” aniya.

Samantala, sinabi ni DOTr Secretary Vince Dizon na kailangan munang kumonsulta sa economic team bago magpasya sa fare hike dahil sa posibleng epekto nito sa inflation.

“Iko-consulta natin yung dinadaing ng ating mga transport groups kung kakayanin na ba itong additional P1 increase na hinihingi na nilang matagal na,” ani Dizon.

Wala pang pahayag ang LTFRB hinggil sa petisyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here