MANILA, Philippines – SINABI ni Vice President Sara Duterte na magpapaliwanag ang kanyang kampo sa tamang forum kaugnay sa alegasyon ukol sa di umano’y maling paggamit sa kanyang confidential funds kahit pa may pagbabago sa kanyang impeachment case.
“Kung may kaso, sa tamang forum mag-eexplain kami. Nagsabi kami noong nag-file sila ng articles of impeachment nila na ready ang defense team na sumagot sa accusations ng prosecutors ng House,” ang sinabi ni VP Sara sa sidelines ng Kadayawan Festival sa Davao City.
“Noong umakyat sa Supreme Court ang kaso, lahat ng hiningi ng Supreme Court ay ibinigay namin. Doon sa mga tamang forum at tamang venue, nagbibigay kami ng saktong sagot at nagbibigay kami… ng explanation ng mga accusations,” dagdag na wika nito.
Hindi pwede na moro-moro na kung saan lang nagbibigay ng akusasyon at kung saan, kung kelan lang nila gusto mag-akusa ng tao,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, may kabuuang 19 senador ang bumoto na i-archive ang impeachment complaint laban kay VP Sara.
Para naman kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pag archive ng Senado sa articles of impeachment laban kay VP Sara ay hindi nangangahulugang na-dismiss na narin ang reklamo laban sa Pangalawang Pangulo.
Binigyang-diin ng Pangulo na walang kinalaman ang gobyerno sa naging desisyon ng Senado na i-archive ang articles of impeachment laban kay VP Sara.
Muli nitong inihayag na hindi siya makikialam sa impeachment case laban kay VP Sara.
Ayon sa Punong Ehekutibo kaniya na ito ipinauubaya sa House of Representatives at sa Senado. Kris Jose