MANILA, Philippines – Nanawagan si Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona Jr. ng mga pamamaraan upang maiwasan ang mga benepisyaryo ng ayuda ng pamahalaan na gumamit ng online gambling.
Nanawagan din si Remolona para sa mas mahigpit na implementasyon ng know-your-customer (KYC) rules sa mga online gaming platform.
Aniya, dapat ay mas mahirap na ma-access ang online gambling platforms dahil sa epekto nito sa lipunan, na tinawag na rin ng Department of Health (DOH) bilang isang “public health concern.”
“We basically want sand in the wheels. You can’t just go to your phone and then press one icon and you’re in a gambling site. You want it to be more difficult,” anang BSP chief kasabay ng EJAP Economic Forum 2025 sa Maynila.
“No one who receives ayuda, I think, should be allowed to gamble. Gambling leads to social harm. It’s not just harming the individual, it’s harming his family or her family,” dagdag ni Remolona.
Noong nakaraang linggo ay sinabi ng BSP na isinasapinal na nito ang mga bagong panuntunan para sa mga bangko, e-wallets at iba pang financial service providers kaugnay sa gambling kabilang ang biometric checks at daily limits sa mga transfer. RNT/JGC