MANILA, Philippines – “Alam niyo, ang akusasyon na walang basehan ay isang paninira lamang. Ganyan ang lagi nilang ginagawa.”
Ito ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte sa paratang na siya’y may ‘habitual absent’ mula sa kanyang tungkulin.
Sa ulat, pinuna ni ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio ang madalas na pagbiyahe sa ibang bansa ni VP Sara na nakaapekto umano sa kanyang performance.
Binigyang diin ni Tinio na bilang isang halal na Bise Presidente ay hindi dapat kaligtaan ni VP Sara ang tungkulin nito sa bayan bilang ikalawang pinakamataas na lider ng bansa.
“Kapag ordinaryong kawani lalo na kapag titser na absent sa school ay may bawas sa sahod o sinisita ng kanilang mga superiors habang ang Bise Presidente naman ay walang tigil sa paglamyerda,” saad ni Tinio.
Simula Marso ay pabalik-balik na si VP Sara sa The Hague, Netherlands upang bisitahin ang kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nililitis ng International Criminal Court (ICC).
Subalit sa isang panayam, ang buwelta ni VP Sara ay “Habitual absence saan? Hindi ko alam kung ano ang pinagsasabi nila na habitual absence.”
“As I said, ito nanaman yung style ng mga tao na anti-Duterte na nagbibigay lang ng akusasyon kung saan-saan at wala namang basehan, walang ebidensya at hindi na lang nila sina-submit o tinataas sa tamang forum or sa tamang venue ang kanilang akusasyon,” dagdag na wika nito.
“Alam niyo, ang akusasyon na walang basehan ay isang paninira lamang. Ganyan ang lagi nilang ginagawa,” aniya pa rin.
Para naman kay OVP Spokesperson Ruth Castelo, aktibong nakatutok pa rin si VP Sara sa mga programa ng opisina kahit wala siya sa bansa. Kris Jose