MANILA, Philippines – Hinimok ng Council for the Welfare of Children (CWC) ang lahat ng paaralan na agad iulat sa awtoridad ang mga kaso ng bullying, alinsunod sa implementing rules and regulations ng Anti-Bullying Act na nag-aatas sa mga educational institutions na kumilos kaagad sa ganitong insidente.
Ayon kay CWC executive director Angelo Tapales, nakatanggap ang MAKABATA Helpline ng ilang ulat na may mga paaralan na tila itinatago ang mga insidente ng bullying upang hindi magkaroon ng negatibong imahe ang isang paaralan.
“Sa bagong implementing rules and regulations na ito, they are required really to take in cases and to respond and to process iyong mga reports po sa kanila,” aniya sa programang Bagong Pilipinas Ngayon.
Binigyang-diin ng ahensya na ang pagtatago ng mga kaso ay hindi nangangahulugan ng magandang reputasyon ng paaralan.
“Zero reporting doesn’t mean positive performance of school… do not sweep it under the rug because it doesn’t follow that because a school receives zero reports that the school is really performing well,” dagdag ni Tapales.
Babala pa ng opisyal, irereklamo sa Department of Education (DepEd) ang mga paaralang hindi tutugon sa batas laban sa bullying.
“If we receive reports through the MAKABATA Helpline 1383, that public and private schools are not really responding properly to bullying… we will, of course, report you to DepEd for proper action and investigation,” ani Tapales.
Kamakailan, lumagda ang CWC at DepEd sa memorandum of understanding na nag-uugnay sa MAKABATA Helpline 1383 at DepEd hotline upang mas matutukan ang lahat ng uri ng karahasan laban sa kabataan, lalo na ang bullying.
Noong Enero, nagbabala ang Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na nananatiling mataas ang kaso ng bullying sa kabila ng mga umiiral na polisiya.
Batay sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), 65% ng Grade 10 students sa bansa ay nakaranas ng bullying ilang beses kada buwan—pinakamataas sa lahat ng kalahok na bansa.
Sa 2022 PISA, bumaba nang bahagya ang bilang ngunit isa sa bawat tatlong estudyante ay lingguhang nakararanas pa rin nito.
Mabagal din ang pagresolba sa mga kaso, kung saan 38 lamang sa 339 na naitalang insidente (11%) ang nalutas mula Nobyembre 2022 hanggang Hulyo 2024, ayon sa datos ng DepEd Learner Rights and Protection Office. RNT/JGC