Home NATIONWIDE Mga bansa hati sa fossil fuel phaseout; COP31 deal hindi pa plantsado

Mga bansa hati sa fossil fuel phaseout; COP31 deal hindi pa plantsado

3
0

TURKEY – Nagkakabuhol-buhol ang negosasyon sa United Nations Climate Change Conference (COP31) sa Antalya, Turkey, matapos alisin sa pinakahuling draft agreement ang pagbanggit sa fossil fuels, na pangunahing sanhi ng pag-init ng mundo.

Ayon sa ulat ng Agence France-Presse (AFP), nahihirapang makabuo ng kasunduan ang halos 200 bansang kalahok sa climate summit na nakatakdang magtapos ngayong Biyernes, Nobyembre 20.

Sa unang bersyon ng kasunduan, nakapaloob pa ang panawagang pabilisin ang pagtalikod sa coal, oil at gas.

Gayunman, tinanggal ang naturang probisyon sa bagong draft na inilabas nitong Huwebes sa pangunguna ng Australia, na nangangasiwa sa mga negosasyon.

Tinawag ni French Ecological Transition Minister Monique Barbut na isang malaking pagkukulang ang hindi pagbanggit sa fossil fuels.

Sinabi naman ni Australian Climate Minister Chris Bowen na magpapatuloy ang konsultasyon at negosasyon hanggang makabuo ng pagkakasundo ang mga kalahok na bansa.

Matatandaang sa COP28 sa Dubai noong 2023, nagkasundo ang mga bansa na simulan ang pagtalikod sa fossil fuels, bagama’t walang itinakdang tiyak na deadline.

Samantala, isinusulong ng Turkey ang isang boluntaryong pangako na palakihin sa 35% pagsapit ng 2035 ang bahagi ng kuryente sa kabuuang pangangailangan ng mundo sa enerhiya.

Gayunman, nangangamba ang ilang bansa na maaari pa ring magmula sa coal at gas ang karagdagang suplay ng kuryente kung hindi malinaw na itatakda ang paggamit ng malinis na enerhiya.

Hindi rin nagkakasundo ang mga bansa sa pondong ilalaan para sa climate adaptation o mga hakbang upang makapaghanda at makabangon mula sa epekto ng climate change.

Sa bagong draft, iminungkahing ipagpatuloy ang pag-uusap upang matriple ang adaptation finance pagsapit ng 2035, ngunit inalis ang target na $120 bilyon na isinusulong ng mga umuunlad na bansa.

Pinagtatalunan din ang iskedyul ng susunod na mga ulat ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC), na mahalagang batayan sa pagtatasa ng pandaigdigang pagtugon sa climate crisis.

Dahil sa patuloy na hindi pagkakasundo, posibleng lumampas sa nakatakdang pagtatapos ngayong Biyernes at umabot sa weekend ang COP31 negotiations.

Wala pang pinal na kasunduan sa mga pangunahing usaping ito sa oras ng ulat. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here