MANILA, Philippines – Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa mga content creator laban sa paggawa ng pekeng crime incidents para sa social media, kasunod ng insidenteng kinasangkutan ng isang vlogger sa Cebu.
Ayon kay PNP chief Police General Nicolas Torre III, walang masama sa paggawa ng fictional content basta’t malinaw sa lahat na ito ay para lamang sa entertainment.
“Kung gusto niyo gumawa ng content na fiction, siguraduhin niyo na maliwanag sa lahat for entertainment purposes gumagawa kayo ng ganyang content,” ani Torre sa press briefing nitong Lunes, Agosto 11.
“Pero ‘yung gagawa kayo ng content para bang may disorder sa isang area… iyan ay nagbibigay ng masamang impresyon. At ang naapektuhan nyan, hindi lang pulis, pati ang community mismo na para bang wala nang law and order,” dagdag pa niya.
Batay sa ulat ng Police Regional Office 7 (PRO7), sinampahan ng reklamo ang isang vlogger matapos nitong ipost na ang viral na video ng away sa loob ng isang bus sa Cebu ay isang insidente ng pagnanakaw.
Ang naturang video, na unang nag-viral noong Hulyo 22, 2025, ay ipinakalat ng isang radio station mula sa orihinal na post ng vlogger na kilala sa alyas na “Jaissle.”
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumabas na hindi snatching ang naganap kundi simpleng personal na alitan noong Mayo 8, 2025 sa Yati, Liloan, Cebu.
Nahaharap ang vlogger sa kasong unlawful use of means of publication at unlawful utterances sa ilalim ng Revised Penal Code, kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012. Kapag napatunayang guilty, maaaring makulong ito ng anim hanggang 12 taon. RNT/JGC