TARLAC CITY, Philippines – Lima ang nasawi at siyam ang sugatan matapos bumangga ang isang van sa metal fence habang tinatahak ang Central Luzon Express Link sa Barangay Balingcanaway, Tarlac City.
Sinabi ng mga pasahero na mabilis ang takbo ng van at hiniling ng mga ito sa driver na bagalan ito ngunit ayon naman sa driver na nakaligtas, bigla umanong nawalan ng kontrol ang kanyang minamanehong sasakyan, dahilan para sumalpok ito sa metal fence at tuluyang sumadsad sa gilid ng kalsada.
Karamihan sa mga biktima ng aksidente ay mga merchandiser, sabi ng mga awtoridad.
Sinabi ni Emmanuel Ignacio ng La Paz Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na patungo sa Concepcion, Tarlac ang mga biktima mula sa Cabanatuan City, Nueva Ecija nang mangyari ang aksidente dakong alas-8 ng umaga, Agosto 12, 2025.
Agad namang isinugod sa ospital ang mga nasugatan sa aksidente.
Ayon sa pulisya, ang insidente ay maaaring ituring na isang self-accident dahil walang ibang sasakyan ang nasasangkot. RNT/MND