Home OPINION ANONG SUSUNOD SA ‘MAHIYA NAMAN KAYO’?

ANONG SUSUNOD SA ‘MAHIYA NAMAN KAYO’?

250
0

SINISIMULAN nang isakatuparan ang mga salitang “Mahiya naman kayo” na binitiwan ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang nakaraang State of the Nation Address.

‘Yun bang === may imbestigasyon na kung sino-sino ang mga may “for the boys, SOP at ghost o guni-guni projects” sa bilyon-bilyong ibinuhos laban sa baha simula noong hapon ng Hunyo 30, 2022 o araw ng pag-upo ng Pangulo.

Sa kabuuang P550 bilyong inilaan laban sa baha, nasa P350B umano ang posibleng nilantakan ng mga korap at mandarambong na nagpairal ng “for the boys, SOP at ghost projects.”

Palatandaan umano rito ang kawalan ng mga pangunahing sangkap o detalye sa mga plano at paggawa sa mga proyekto at basta na lang masabing may anti-flood projects.

Ikalawang palatandaan ang pagkakaroon ng mga proyektong anti-flood sa mga hindi binabaha samantalang wala sa mga tunay na binabaha.

Ikatlo ang pagkakaroon ng mga magkakaparehong proyekto at halaga rito sa magkakaibang lugar.

Nakaiintriga rin umano na 15 kontraktor lang ang nakakopo ng P100B proyekto.

Pero siyempre higit sa lahat, sa kabila ng P550B anti-flood control fund na ginamit na para sa mahigit nang 10,000 anti-flood projects, anak ng tokwa, napapansing palala nang palala ang mga pagbaha kahit saan.

Dahil ba sa 6,021 proyekto mula sa mahigit 10,000 proyekto ay binaboy ng kung sino-sino gamit ang “for the boys, SOP at ghost projects”?

BINABAHA AT HINDI BINABAHA

Ayon mismo sa Pangulo, heto ang mga karaniwang binabahang lugar: Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Bulacan, Metro Manila, Maguindanao, North Cotabato, Oriental Mindoro at Ilocos Norte.

Sa kabilang banda, heto naman ang mga hindi binabaha o hindi gaanong binabaha pero may napakaraming anti-flood project: • Cebu (414 proyekto), Isabela (341), Pangasinan (313), Albay (273), Leyte (262) at Camarines Sur (252).

Pero siyempre, meron para sa mga binabahang Bulacan (668 proyekto), Pampanga (292), Tarlac (258) at Ilocos Norte (224) ngunit nakapagtatakang hindi binanggit ang Metro Manila.

Dito pa lang din, may malaking problema na sa kung saan ibinubuhos ang mga pondong kontra-baha.

MGA PAHAGING, LABAN KANINO?

Pahaging ng Pangulo, baka meron umano siyang mga kamag-anak o kaalyado sa mga may “for the boys, SOP at ghost projects.”

Sorry na lang daw.

Sa isang iglap, mga mambabatas, lalo na ang mga kongresman, ang inginunguso sa pambababoy sa mga pondong bayan dahil sila ang may “power of the purse” kung tawagin.

Pero alalahanin na nagsusumite muna ang ehekutibo o taga-Malakanyang ng National Expenditure Program o NEP na naglalaman ng mga panukalang proyekto o programa at katumbas na pondo, kasama ang mga anti-flood.

Pagdating sa Kongreso, hindi na lang ang mga kongresman kundi kasama ang mga senador sa paggawa ng dagdag-bawas sa NEP gamit ang makapangyarihang ibang Kongreso, ang Bicameral Conference Committee.

Sino-sino ngayon ang mga dapat na managot sa mga babuyan sa mga anti-flood project?

Mga kongresman, senador o/at taga-Malakanyang?

Kanino dapat ipukol ang “Mahiya naman kayo” at sino-sino dapat ang mga pangunahing imbestigahan?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here