MANILA, Philippines – “Inutusan po kami ng ating Pangulo para siguraduhin dito sa Midsalip (Zamboanga del Sur), wala ng bata na dapat tumawid ng ilog para makapag-aral.”
Ito ang sentral na mensahe ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa mga miyembro ng komunidad sa Barangay Pisompongan sa bayan ng Midsalip sa media immersion tour noong Miyerkules (Agosto 13) na itinaguyod ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS).
Ayon sa DSWD ang Midsalip ay isa sa mga benepisyaryo ng KALAHI-CIDSS ng DSWD. Nag-viral kamakailan ang isang video na nagpapakita ng mga mag-aaral sa bayan na tumatawid sa isang ilog para makarating sa kanilang paaralan at napag-alaman ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Ayon sa hepe ng DSWD, agad na inatasan ni Pangulong Marcos ang kanyang Gabinete na tugunan nang madalian ang problema, na kasama sa kanyang 4th State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 28.
“Inutusan ako ng Pangulo at si Secretary Carlito Galvez, Jr. na tiyaking walang bata ang dapat tumawid sa isang mapanganib na ilog para lamang makapasok sa paaralan. Sisiguraduhin natin na lahat ng mga ilog na iyon ay may angkop na hanging bridges upang matiyak ang kaligtasan ng mga bata,” sabi ni Secretary Gatchalian sa mga miyembro ng Media na lumahok sa immersion.
Kaugnay nito alinsunod sa tagubilin ng Chief Executive, ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) ay gagawa ng mga tulay sa tatlong ilog, kung saan ang DSWD ay nagsasagawa ng pagtatayo ng hanging bridge para sa natitirang ilog sa pamamagitan ng KALAHI-CIDSS, ayon kay Secretary Gatchalian.
Gamit ang community-driven development (CDD) approach, ipapatupad ng mga miyembro ng komunidad ang sub-proyekto na kanilang tinukoy at iminungkahi, gayundin ang susubaybayan ang tuluyang pagpapatakbo nito.
Isa sa pinakamahabang programang pangkaunlaran ng Departamento na may 22 taon na pag-iral, ang KALAHI-CIDSS ay isang kinikilalang programa sa buong mundo para sa pagpapagaan ng kahirapan para sa bahagi nitong pagbibigay-kapangyarihan sa komunidad.
Mula 2003 hanggang Disyembre 2024, mahigit 91,000 developmental sub-project ang naitayo na kasama ng mga miyembro ng komunidad na nakikilahok sa kani-kanilang mga proyekto sa nayon. (Santi Celario)