MANILA, Philippines – Hinamon ng grupong Socialista Inc. ang bilyonaryong si Ramon Ang na mismong pondohan nito ang rehabilitasyon ng NAIA at huwag ipataw sa publiko ang pasanin nang itaas ang lahat ng airport-related fees sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ibinatay ni Eding Villasin, tagapagsalita ng Socialista, ang paghahamon nito sa business tycoon nang mangako si Ang na tutulong sa paglutas ng suliranin na maibsan ang pagbaha sa Metro Manila nang walang gastos sa gobyerno.
Mababatid na si Ang ay chairman ng New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) at tangan din niya ang posisyon na Presidente at Chief Operating Officer ng San Miguel Corporation (SMC).
Inungkat pa ng grupo ang pahayag umano sa kahandaan ng kompanya na suportahan ang pagpapabuti at pagpapatayo ng drainage, clearing operations, at pagtatayo ng mga bahay at paaralan na malayo sa mga daluyan ng tubig.
Matatandaan na tinutulan ng civic organizaton ang inaprubahan ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa implementasyon ng Revised Administrative Order No. 1, Series of 2024, na nagbibigay kapangyarihan sa NNIC na magtaas ng lahat ng dagdag bayarin ng biyahero sa NAIA.
“Kung kaya ng business magnate na gumastos ng malaking halaga para sa flood control nang libre, kaya din niyang tustusan ang development sa NAIA sa pagpala-iral ng corporate responsibilities nang hindi ipinapataw ang sobrang taas na airport fees na pasakit sa mga biyahero, at maliliit na negosyo,” saad pa ni Villasin
Sa kaugnay na ulat, nanawagan ang National Confederation of Labor (NCL) kay Department of Transportation Secretary Vince Dizon na ipatigil ang taas-singil sa NAIA, tulad ng mabilis niyang pagsuspinde sa pagtaas ng bayad sa Batangas Port.
Hinimok ng labor group na aksyunan din agad ng Kagawaran ang pagpigil sa exorbitant fees sa paliparan nang ungkatin nila ang maagap na pagtugon ng Kalihim sa panawagan nina Oriental Mindoro Governor Bonz Dolor at FPJ Bayanihan partyilst Representative Brian Poe Llamanzares sa DOTr na bawiin ang planong pagtaas ng port fees mula ₱30 hanggang ₱100 sa Batangas Port.
Ipinaalaala ni Atty. Ernesto Arellano, chairman emeritus ng NCL, “Kapag patuloy ang pagpataw ng exorbitant fees sa NAIA ay posibleng libu-libong mga biyahero sa araw-araw ang aatang ng pasakit para matustusan ang dagdag gastusin sa paglalakbay gamit ang pasilidad Ng paliparan.”
Ang Socialista at NCL ay kabilang sa Pagkakaisa ng Users, Stakeholders at Obrero ng NAIA (PUSO ng NAIA) ang alyansa ng mga manggagawa, OFW, at consumer advocates na naghain ng petisyon nitong Martes sa Korte Suprema para ipatigil ang lahat ng taas-singil sa ilalim ng PPP ng DOTr at NNIC. RNT