MANILA, Philippines – Mahigit 100 student journalist at press freedom advocates ang nagtipon sa UP Diliman noong Agosto 13 para sa protesta at candlelight vigil laban sa pagpatay kay Al Jazeera journalist Anas Al-Sharif at anim pang mamamahayag sa Gaza.
Pinangunahan ito ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP), na tinawag ang insidente bilang “matinding pag-atake sa press freedom” sa gitna ng opensiba ng Israel.
Tinuligsa ng CEGP ang targeted airstrike bilang patunay ng impunity, at ikinumpara ang taktika ng Israel — tulad ng pagtawag sa mga mamamahayag na terorista at surveillance — sa mga panggigipit na nararanasan ng mga mamamahayag at human rights defenders sa Pilipinas. Binatikos din nila ang lumalakas na ugnayang militar ng Pilipinas at Israel.
Sumama sa pagkondena ang iba pang press groups gaya ng AlterMidya, Foreign Correspondents Association of the Philippines, National Union of Journalists of the Philippines, at Photojournalists’ Center of the Philippines, na nagsabing ang pag-atake sa mamamahayag ay pag-atake sa katotohanan. RNT