Manila, Philippines – Buhay na naman sa ating kamalayan si Sabrina M, ang sexy star na sumikat noong dekada nobenta.
Ito’y matapos palagan ni Sabrina M ang joke sa banter nina Regine Velasquez at Vice Ganda sa kanilang Super Divas concert kamakailan.
May bahagi kasi sa concert na nagtsitsikahan ang dalawa, with Vice Ganda asking Regine who’s her favorite singer.
Sagot ni Regine: “Si Sabrina!”
Bagama’t Regine was actually referring to Sabrina Carpenter, ikinonek ito ni Vice Ganda sa dating sexy star.
“Si Sabrina M na nakaaway ni Rosanna Roces sa The Buzz… ’yung pustiso ang ngipin… ’yung nahuli?”
Mas inalmahan ni Sabrina M ang pagkalkal ni Vice Ganda ng kanyang nakaraan na gusto na nga raw niyang kalimutan.
Ito ’yung insidente na nahuli siya sa pagkakasangkot sa droga, na aniya’y hindi patas dahil frame-up lang daw ’yon.
Nangyari ito sa war on drugs noong nasa panunungkulan pa si Pangulong Rodrigo Duterte.
Inamin ni Sabrina na maging ang mga anak niya’y nasaktan at nagalit sa panggagamit ng TV host sa kanilang ina.
Lumalabas daw kasi na gustong pagkakitaan ni Vice Ganda ang ilang tao sa paraan ng pagpapatawa at their expense.
Ani Sabrina: “Hindi na tama ’yon!
“Hindi dahil si Vice Ganda siya, eh, may karapatan na siyang ganoon-ganu’nin ang mga kapwa niya artista pa mandin!”
Nilinaw din ni Sabrina na ang kanyang pagpalag ay walang kinalaman sa mga Duterte jokes ni Vice Ganda ng gabing ’yon.
Katwiran ni Sabrina: “Wala akong pakialam sa reaksyon ng mga DDS dahil biktima nga ako noong panahon ni Duterte, ’no!”
Hindi raw nakikisimpatya ang dating sexy star sa mga DDS na nasaktan sa jokes ni Vice Ganda: “Ang akin lang, huwag na niyang balik-balikan ang isyung matagal nang tapos!” – Ronnie Carrasco III