MANILA, Philippines – Sinuspinde na ng 90 araw ang lisensya ng motorcycle rider na nag-video habang sumasayaw sa ibabaw ng kanyang motor sa isang intersection.
Kasabay nito ay nag-isyu din ang Land Transportation Office ng show-cause letter laban sa rider.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza II ang rider na residente ng Binondo, Manila ay pinagpapaliwanag kung bakit hindi ito dapat managot sa “being an improper person to operate a motor vehicle.”
Ang paglabag na ito ay may maximum penalty ng pagbawi ng lisensya ng rider.
Sinabi naman ni LTO Intelligence and Investigation Division Chief Renante Melitante, sa show-cause order nito na dapat ding dumalo sa pagdinig ang rider sa Miyerkules, Agosto 20.
Dapat ding isuko ng rider ang kanyang lisensya sa nasabing petsa.
Ang ‘dancing rider’ ang pinakabagong motorista na ipinatawag ng LTO sa paggawa ng mga paglabag sa kalsada para lamang sa social media content. RNT/JGC