MANILA, Philippines – Lumipad patungong Kuwait noong Biyernes si Vice President Sara Duterte bilang bahagi ng kanyang mandato na “represent and advocate” para sa mga Pilipino, kabilang ang mga nasa ibang bansa, ayon sa Office of the Vice President (OVP).
Sa pahayag nitong Sabado, Agosto 16, iginiit ng OVP na ang biyahe ni Duterte ay alinsunod sa umiiral na mga patakaran ng pamahalaan hinggil sa foreign travels at “ensuring that her presence abroad is both lawful and aligned with her responsibilities in public service.”
Dagdag pa ng opisina, walang ginastos na pondo ng gobyerno sa lahat ng biyahe ni Duterte sa labas ng bansa.
Lumabas ang pahayag ng OVP mahigit isang linggo matapos sabihin ng Malacañang na walang nakitang travel authority para sa biyahe ni Duterte sa Kuwait.
Kamakailan ay sunod-sunod ang biyahe ni Duterte sa ibang bansa, kabilang ang The Hague kung saan nakadetine ang kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte, dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng war on drugs.
Bumisita rin siya sa Qatar, Australia, South Korea at Malaysia upang makiisa sa mga pagtitipon ng Filipino communities na nananawagan sa pagpapalaya ng dating pangulo.
Bagama’t madalas nasa abroad ay tiniyak ng OVP na patuloy pa rin ang operasyon nito, kabilang ang livelihood programs at disaster response.
Ayon sa tagapagsalita nitong si Ruth Castelo, ang presensya ng Bise Presidente ay “sometimes virtual, sometimes ghost.”
Habang nasa Kuwait, ipinahiwatig ng OVP na posibleng bumiyahe muli si Duterte patungong The Hague, ngunit walang tiyak na detalye.
“She will then proceed to continue working on the release of our former head of state Rodrigo Duterte who was forcibly taken from Philippine soil,” ayon pa sa OVP.
“The Office of the Vice President, along with its 10 satellite offices across the country, remains ready to serve and assist our fellow Filipinos both here and abroad, despite limitations in capacity and budget,” dagdag nito. RNT/JGC