MANILA, Philippines – Nagsagawa ng case conference ang pulisya sa Cebu City kasama ang mga social worker, opisyal ng barangay at mga magulang matapos mag-viral sa social media ang video ng 12 menor de edad na nanakit sa isang 21-anyos na binata sa Barangay Calamba.
Naganap ang insidente alas-4 ng madaling araw noong Agosto 9 sa Mahayahay 1, kung saan makikitang pinagtulungan ng grupo ng kabataan ang biktima na miyembro rin umano ng isang kilalang gang sa lugar.
Agad kumalat ang video online at nagdulot ng matinding pag-aalala, dahilan para makialam ang mga awtoridad.
Sa pulong na isinagawa sa Sawang Calero Police Station, ipinaharap ang mga menor de edad kasama ang kanilang mga magulang sa biktima, mga kinatawan ng barangay at Department of Social Welfare and Services (DSWS).
Pinangunahan ito ni DSWS officer Aldrin Zamora katuwang ang barangay Gender and Development focal persons.
Ayon sa pulisya, nag-ugat ang gulo sa maling akala ng biktima na ang grupo ng kabataan ang naghagis ng bato sa kanya, kaya nauwi ito sa habulan at pananakit na nakunan sa viral video.
Tinalakay ng mga awtoridad ang pagpapatupad ng diversion program para sa mga menor de edad alinsunod sa Juvenile Justice and Welfare Act, habang bukas pa rin ang posibilidad ng pagsasampa ng kaso kung kinakailangan.
Binigyang-diin din na pangunahing konsiderasyon ang kapakanan ng mga bata sa paglutas ng insidente, habang pinaalalahanan ang mga magulang sa kanilang mahalagang papel sa paggabay at pagbantay sa kanilang mga anak.
“Ang ating mga anak ay repleksyon ng pagpapalaki at gabay na ating ibinibigay. Nawa’y magsilbing paalala ang insidenteng ito na dapat nating bantayan, kausapin, at turuan ang ating mga kabataan tungo sa tama at ligtas na pamumuhay,” pahayag ni Police Regional Office 7 Director PBGen Redrico A. Maranan.
Hinimok din ni Maranan ang mas malawak na kooperasyon ng komunidad at pinaalalahanan ang publiko na huwag mag-atubiling tumawag sa 911 para sa agarang tugon ng pulisya. RNT/JGC