Home NATIONWIDE 2026 budget deliberations, ila-livestream – DBM

2026 budget deliberations, ila-livestream – DBM

302
0

MANILA, Philippines – SUPORTADO ng Department of Budget and Management (DBM) ang panukalang i-livestream ang lahat ng congressional budget deliberations para i-promote ang transparency at public engagement.

Sa isinagawang Quezon Educators’ Research Convention sa Lucena City, binigyang-diin ni DBM Secretary Amenah Pangandaman ang kahalagahan ng pagtutulungan sa pagitan ng ehekutibo at lehislaturang sangay ng pamahalaan upang matiyak na ang 2026 General Appropriations Act (GAA) ay umaayon sa mga prayoridad na itinakda sa 2026 National Expenditure Program (NEP).

“Bilang kalihim ninyo sa Department of Budget and Management, sinusuportahan ko po ang panukalang i-livestream at gawing mas accessible sa publiko ang lahat ng budget deliberations ng Kongreso, ng Senado, kasama na rin po ang bicameral conference committee proceedings,” ayon kay Pangandaman.

“Sa ganitong paraan po, mas matibay ang transparency at mas aktibo ang partisipasyon ng bawat Pilipino sa pagbabantay ng ating pambansang budget,” ang sinabi ng Kalihim.

Aniya pa, ang pagpapaigting ng transparency ay magbibigay ng kapangyarihan sa mga Pilipino na aktibong subaybayan kung paano inilalaan ang pampublikong pondo.

Binigyang-diin pa rin ni Pangandaman ang malakas na apela ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga mambabatas na huwag lumihis mula sa 2026 NEP.

“This is our 2026 National Expenditure Program or the President’s budget. Maaari po itong magbago ng kaunti, depende po sa deliberations ng Kongreso,” ayon pa rin kay Pangandaman.

Sa kabilang dako, ang NEP ay nagsisilbing basehan ng Kongreso sa paglikha ng General Appropriations Bill, kung saan nagiging General Appropriations Act sa oras na lagdaan ni Pangulong Marcos upang maging ganap na batas.

Nauna rito, isinumite na ng DBM sa Kongreso ang 2026 National Expenditure Program (NEP) na naglalaman ng proposed ₱6.79 trilyong budget para sa susunod na taon.

Pinangunahan ni Pangandaman ang Executive Delegation sa pag-transmit ng NEP sa mga mambabatas.

Ang 2026 NEP ay mas mataas ng 7.4 percent kumpara sa ₱6.362 trilyong budget ngayong taon.

Sa turnover ceremony, inanunsyo ni House Speaker Martin Romualdez ang iba’t ibang reporma para sa budget proceedings, kabilang na ang pag-abolish sa Small Committee at pagbubukas ng bicameral conference committee deliberations sa publiko. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here