Home NATIONWIDE DPWH engineer sa palpak na flood control project, sinibak

DPWH engineer sa palpak na flood control project, sinibak

334
0

MANILA, Philippines – Tinanggal sa puwesto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang project engineer at iba pang tauhan na sangkot sa bumagsak na flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro, matapos madiskubre ni Governor Humerlito “Bonz” Dolor na posibleng substandard ang pagkakagawa.

Humingi ng paumanhin si DPWH Mimaropa Regional Director Engr. Gerald Pacanan matapos harangin ng guwardiya ng contractor ang inspeksyon ni Dolor.

“Hindi po dapat nangyari iyon. Maglalagay tayo ng bagong engineer at bagong tao para masiguro ang transparency at maiwasan ang posibleng sabwatan,” aniya.

Patuloy ang imbestigasyon ng fact-finding team na binubuo ng mga abogado at eksperto kung gumamit nga ng substandard na materyales.

Tiniyak ni Pacanan: “Kung may pananagutan ang contractor o empleyado ng DPWH, lalabas ito sa imbestigasyon. Wala tayong sasantuhin.”

Natuklasan ni Gov. Dolor na manipis ang semento at undersized ang bakal na ginamit sa dike, dahilan ng pagbagsak nito sa nagdaang pagbaha. Mahalaga ang flood control projects sa Oriental Mindoro, partikular sa mga ilog ng Bucayao at Mag-asawang Tubig na madalas magdulot ng malawakang pagbaha. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here