MANILA, Philippines – Umapela ang grupo ng mga alkalde sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan, partikular sa Department of Public Works and Highways, na ilantad ang mga politiko at kontratistang nasa likod ng maanomalyang flood control at infrastructure projects.
Sa kanilang pahayag, iginiit ng Mayors for Good Governance — nilagdaan nina Baguio City Mayor Benjamin Magalong, Pasig City Mayor Vico Sotto, Quezon City Mayor Joy Belmonte, at Isabela City Mayor Sitti Hataman — ang agarang paglalabas ng lahat ng detalye ng proyekto, kabilang ang work programs, price analyses, bills of quantities, feasibility studies, at higit sa lahat, ang pangalan ng mga kontratista at politikong sangkot.
“Ang mga nagnakaw ng pondo ng bayan ay dapat managot sa batas. Kapag napatunayang nagkasala, hindi lang sila dapat tanggalin sa puwesto kundi kasuhan at ikulong,” ayon sa grupo.
Nauna nang ibinunyag ni Magalong na may 67 mambabatas na umano’y kumikilos bilang kontratista at tumatanggap ng 30–40% kickback mula sa pondo ng proyekto. Inamin din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may anomalya sa flood control projects, kung saan ₱100 bilyon sa ₱545-bilyong badyet ay napunta lamang sa 15 kontratista.
Noong Agosto 15 sa inspeksyon sa Bulacan, tinuligsa ni Marcos ang mahinang kalidad ng isang ₱96.4-milyong dike project ng St. Timothy Construction Corp., na tinawag niyang “irregular at sloppy.”
Dagdag pa niya, “Maaaring masakit ito, at may mga malapit sa atin na sangkot, pero mas malapit sa atin ang taumbayan kaya sila ang uunahin natin.” RNT