NAG-SPRAY ng mosquito repellant ang isang lalaking ito sa bawat sulok ng kanyang tahanan matapos na opisyal na ideklara ng Quezon City Government ang dengue outbreak, habang ang kaso ay patuloy na tumataas. DANNY QUERUBIN
MANILA, Philippines – Iniulat ng Department of Health (DOH) na bumababa na ang kaso ng leptospirosis, ngunit nananatiling bukas ang 49 fast lanes para sa mga pasyente sa buong bansa.
Mula halos 200 kaso kada araw noong Agosto 3–9, bumaba ito sa sampung kaso kada araw noong Agosto 10–14. Umabot na sa 3,752 ang kabuuang kaso mula Hunyo 8. Pinayuhan ng DOH ang publiko na agad magpatingin kung nalubog sa baha o na-expose sa putik ngayong tag-ulan.
Ang leptospirosis ay impeksiyong dulot ng tubig na kontaminado ng ihi ng hayop, karaniwang daga, na maaaring magdulot ng lagnat, pananakit ng kalamnan, at seryosong pinsala sa laman-loob o kamatayan kung hindi magagamot.
Samantala, tumaas ng 7% ang kaso ng dengue matapos ang mga pag-ulan at bagyo noong Hulyo, na may naitalang 15,091 kaso mula Hulyo 13–26, kumpara sa 14,131 kaso noong Hunyo 29–Hulyo 12.
Ayon sa DOH, aktibo pa rin ang dengue fast lanes sa mga ospital nito. RNT