MANILA, Philippines – NAGING madugo ang selebrasyon ng isang wedding proposal nang aksidenteng pumutok ang nilalarong baril at isang kapwa bisita ang tinamaan sa Sitio Duluhan Barangay Manggalang 1 Sariaya, Quezon.
Kinilala ang biktima na nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang kilay mula sa hindi pa mabatid na armas na kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Mt. Carmel hospital Lucena City, Quezon si Ricky Gavino Roferos 46, magsasaka, naninirahan sa Sitio Talipao, Barangay Manggalang Kiling ng nabanggit na lugar.
Samantalang ang suspek na mabilis na tumakas matapos ang insidente na nakilala sa alyas Richard, nasa hustong gulang, ay residente ng Barangay Manggalang 1, Sariaya, Quezon.
Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen dakong alas-7:00 kagabi, habang ang biktima at suspek na pawang bisita sa ginaganap na wedding proposal ay nag-iinuman at sobrang katuwaan ay pinaglaruan ng una ang dala nitong baril.
Dito na biglang pumutok ang baril ng suspek at tinamaan ang biktimang kainuman.
Patuloy na pinaghahanap ng Sariaya Municipal Police Station ang suspek para sa agarang ikadarakip nito. Ellen Apostol