PANGASINAN – Swak sa kulungan ang isang 39-anyos na lalaki matapos makadiskubre ang mga awtoridad ng 12 na heat sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu nang salakayin nila ang bahay nito sa Urdaneta City, Pangasinan kagabi, Agosto 17.
Base sa inilabas na press release ni Police Maj. Divina B. Albino, Chief ng RPIO ng Police Regional Office (PRO) 1, ang suspek ay isang high value individual.
Ginawa ang pagsalakay sa tirahan ng suspek sa bisa ng search warrant na inilabas ng RTC Branch 73, Urdaneta City.
Bandang 10:30 ng gabi nang salakayin ng mga operatiba ng PDEU at PIU ng Pangasinan PPO, kasama ang mga operatiba mula sa RPDEU-PRO 1, PDEG SOU 1, at Urdaneta City Police Station ang bahay ng suspek.
Tumitimbang ng 60 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P408,000 ang narekober na hinihinalang shabu.
Kasong paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) at Section 12 (Possession of Equipment and Paraphernalia for Dangerous Drugs) ang kahaharapin ng suspek na nasa kustodiya ngayon ng Urdaneta City Police Station.
Pinuri ni Police Brig. Gen. Dindo R. Reyes, Regional Director ng PRO 1, ang mga miyembro ng operating team sa matagumpay nilang operasyon.
“This accomplishment shows our commitment to eradicating the drug menace in Region 1. We will continue to intensify our operations to prevent illegal drugs from destroying lives and communities,” wika ni Reyes. Rolando S. Gamoso