MANILA, Philippines – Sinampahan na ng Manila Police District (MPD) ng reklamong murder by shooting at theft sa Manila Prosecutors Office ang dalawang suspek sa pagpatay sa dalawang Japanese national noong Biyernes.
Natukoy na rin ang pagkakilanlan ng mga biktima na sina Hideaki Satori, 53 anyos at Akinobu Nakayama, 41 anyos at kapwa nanunuluyan sa Midas Hotel and Casino sa 2702 Roxas Boulevard, Pasay City.
Habang ang mga suspek ay nakilalang sina Albert, 50 anyos at kaanak na si Abel, 62 na pawang taga-Minalin, Pampanga.
Nangyari ang insidente noong Biyernes alas-10:40 ng gabi sa kahabaan ng Malvar Street sa harap ng Sheraton Manila Bay sa Brgy.699, Malate, Maynila.
Ayon kay MPD PIO Chief Major Philipp Ines, ang pagkakaaresto sa mga suspek ay dahil sa follow-up operation at backtracking sa pamamagitan ng mga CCTV footages upang matunton ang mga suspek.
Bukod dito, isinaaktibo ang Special Investigation Task Group Malvar (SITG MALVAR) na tumutok sa kaso.
Samantala, ihaharap din kay Manila Mayor Isko-Moreno Domagoso ang mga suspek. Jocelyn Tabangcura-Domenden