ZAMBOANGA CITY, Philippines – Naaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 9 (PDEA RO9), kasama ang mga katuwang na ahensya ng pamahalaan, ang isang high-value target (HVT) at nakumpiska ang apat (4) na kilo ng hinihinalang shabu sa matagumpay na buy-bust operation noong umaga ng Martes, Agosto 19, 2025, sa Barangay Canelar, Zamboanga City.
Pinangunahan ng PDEA Zamboanga del Sur Provincial Office ang operasyon sa pakikipagtulungan ng PDEA Zamboanga City Office, City Drug Enforcement Unit (CDEU), City Intelligence Unit (CIU), Armed Forces of the Philippines, S2 RMFB-9, Task Force Zamboanga (MBLT-1), at Police Station 11.
Nahuli ang suspek na si alyas “Badri,” 52 taong gulang, isang negosyante, dating miyembro ng AFP, at residente ng Labangan, Zamboanga del Sur.
Nasamsam mula sa kanya ang apat (4) na vacuum-sealed na pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 4,000 gramo. Ang mga nakumpiskang droga ay nakabalot sa Chinese tea at Guanyinwang-labeled packaging, na karaniwang ginagamit ng mga sindikato sa kalakalan ng ilegal na droga.
Kabilang din sa nakumpiska ang isang Nissan Navarra, boodle money na may halong totoong ₱1,000 bills, mga cellphone, isang national ID, at iba pang ebidensyang hindi droga.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ipinahayag ng PDEA RO9 na ang matagumpay na operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng ahensya laban sa mga high-value drug personalities na nagpapatakbo sa Western Mindanao. DANNY QUERUBIN