Home OPINION GOOD JOB, REP. TOBY

GOOD JOB, REP. TOBY

274
0

SA panahon ngayon na napaliligiran tayo ng mga buwaya sa pamahalaan, dapat lang na may isang nilalang na kinakailangang pumuksa sa mga ito.

Hindi natin inaasahan na biglang tatayo si Navotas Representative Toby Tiangco sa gitna ng malaking kapulungan ng mga “alam n’yo na” para halukaying muli ang nangyaring milagro sa 2025 budget report ng small committee ng nakaraang 19th Congress.

Inilunsad ng Kamara ang pagdinig ng komite nito sa iminungkahing 2026 budget noong Lunes, ngunit inukilkil ni Tiangco na muling balikan ang ulat ng badyet sa 2025 ng “small committee”.

Tama si Tiangco na huwag palampasin ang ginawa ng ilang buwaya sa Kongreso na pagbarubal sa nasabing pondo ng bayan.

Sa pondong ito nanggaling ang mga dinambong ng mga politiko at kontratista para sa kanilang mga “guni-guning” flood control project.

Nakagagalit na napakalaki ng ibinawas na pondo sa edukasyon at kalusugan para lang ibigay o isubo sa mga buwayang walang mga kabusugan sa kwarta.

Sa harap ng mga nangabusog na buwaya sa Kongreso kaya sila’y tahimik kahit pa nasa tungki na ng kanilang mga ilong ang mga sumasabog na katiwalian. Salamat at may isang Tiangco na kontra sa kanila. Na may natitira pang kongresista na handang labanan ang mga buwaya para sa mamamayan.

Sana ay marami pang kongresista ang mahawa kay Tiangco na handang “magtaya ng bayag” at hindi pulos kwarta ang inaatupag.

Alam naman natin na may mga kongresista na nagkukunwaring mga makabayan, subalit ang katotohanan ay unti unting nalantad na sila pala ay mga makabayad.

Baka sa pamamagitan nitong si Tiangco ay magkaroon na tayo ng tunay na pag-asa para sa ating bayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here