HINDI maganda ang pakiramdam ng marami sa sinisimulang mga imbestigasyon ng Kamara at Senado sa anti-flood projects.
Matatandaang nagbanta si Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang nakaraang State of the Nation Address na iimbestigahan ang mga sangkot sa mga ghost at palpak na anti-flood projects at kakasuhan ang mga ito.
Mula sa P550 bilyong ibinuhos ng kanyang pamahalaan sa nakalipas na tatlong taon, nasa P350B ang hinaluan ng mga ghost at palpak na proyekto at ibinulsa ng mga korap at kanilang mga kasabwat na kontraktor.
Alam ba ninyo kung bakit hindi maganda ang pakiramdam ng marami sa imbestigasyon?
Unang-una, ang mga kontraktor lang ang sentro ngayon ng imbestigasyon at kasama umano ang nasa 15 na sinabi ni Pang. Bongbong na nakakuha ng P100B mga ghost at palpak na proyekto mula sa P350B.
Paano kung lahat ng kongresman o senador ay magsasabing naka-divest sila sa mga construction company nilang sangkot?
Ikalawa, may away ngayon kung sino ang dapat na pangunahing mag-imbestiga — kung mismong si Pang. Bongbong o mga kongresman o senador.
Paano kung magkaiba ang konklusyon ng tatlong grupong ito gaya ng pagiging malinis ang mga isinasangkot na kompanya ngunit guilty naman sa ibang grupo?
Ikatlo, karamihan sa mga pinatutsadahan ng kalokohan sa SONA ang mga kongresman at mayroon din sa Senado.
Paano kung dahil sa “divestment”, walang matutukoy na mga mambabatas na sangkot sa pagbulsa ng malakihang pondong bayan, kasama ang mga inutang para sa mga proyekto?
Ikaapat, paano kung maliliit lang na opisyal ng pamahalaan ang madiriin gaya ng mga district engineer ng Department of Public Works and Highways gaya ng gustong palabasin ng mga maiimpluwensiyang politiko?
Kapag sa dulo ng lahat ay walang kongresman, senador at taga-Palasyo kundi mga kontraktor at maliit na opisyal o empleyado lang ang madiriin at makakasuhan, hindi kaya magiging sarswela lang ang lahat?
Pisting yawa, uy!






