Home OPINION KAHINDIK-HINDIN NA KRIMEN SA KABABAIHAN

KAHINDIK-HINDIN NA KRIMEN SA KABABAIHAN

250
0

MAY kakaibang mga pangyayari sa nakaraang mga araw ng buwang ito.

Walang iba kundi ang sunod-sunod na brutal na pagpatay o labis na pananakit sa kababaihan mula bata hanggang may edad.

MGA BIKTIMA

Noong Agosto 3, 2025, natagpuang bangkay ang isang 9 anyos na nene sa Brgy. Santa Lucia, Novaliches, Quezon City at pinaniniwalaang ginahasa dahil hubo’t hubad nang matagpuan ito.

Noong Agosto 4 naman, isang single mother na dinukot ng tatlong armadong naka-bonnet sa isang pawnshop sa Brgy. Valencia, Tacloban City ang natagpuang isa nang bangkay at palutang-lutang sa tabing dagat sa Brgy. 99-Diit, Tacloban City. May tali sa leeg at nakagapos sa kamay at paa.

Agosto 4 pa rin, ginahasa at pinatay sa saksak gamit ang screw driver ang isang paslit ng isang basurero sa Brgy. Del Rosario, Lopez, Quezon at nahuli ang suspek na lasing nang isagawa nito ang krimen.

Noong Agosto 6 naman, sinaksak ng mister ang kanyang asawa sa selos at nakatarak pa sa likod ni misis ang kutsilyo nang itakbo ito sa ospital sa Pasay City.

Sa San Pablo City noong Agosto 9, nirapido ang isang ginang at namatay ang kanyang karga-kargang sanggol sa Brgy. Gregorio.

Pinagbabaril hanggang mamatay naman ang school principal na si Arlyn Acebar, ng Agriculture Elementary School, Brgy., Agriculture, Midsayap, Cotabato bago mag-Agosto 13.

Mga bangkay naman nina Ericha Ednalaguim, 24, at alias Lengleng, ng Tarlac, ang natagpuan sa Brgy. Salaza, Palauig, Zambales noong Agosto 14.

Agosto 15 naman nang dukutin at patayin at itapon sa kanal ang 7-taong gulang na babae ng isang alyas Jinky at alyas Benedict sa Palauig, Zambales.

Agosto 15 din nang gahasain at patayin ng sarili niyang ama ang 7-taong gulang na babaeng anak sa Dagupan City, Pangasinan at naaresto ang suspek.

Agosto 16, nakagapos, may plaster ang bibig, at walang damit ang bangkay ng 39 anyos ng biktimang babae na natagpuan sa sarili niyang bahay sa Brgy. Lumad, Dingras, Ilocos Norte noong Agosto 18.

SANA TUMIGIL NA

Nakapaninindig-balahibo ang mga pangyayaring ito.

Ipagpalagay na lang nating may maling nagawa ang ilan sa mga pinagpapatay na nasa tamang edad, isang malaking katanungan na hindi idinaan ang mga ito sa mga ligal na paraan.

Sa isang iglap, palatandaan ito ng tahasang kawalan ng paggalang o pagsunod sa batas para sa katarungan.

Maaari ring halang talaga ang kaluluwa ng mga salarin at kasama na Rito ang mga nangre-rape at pumapatay sa kanilang mga biktima.

Kung iisipin, may ilang araw pa bago matapos ang buwang ito.

Panalangin nating wala na sanang mga katulad na kahindik-hindik na krimen.

Nakaiiyak talagang isiping basta na lang pinapatay ang mga walang kalaban-labang kababaihan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here