MANILA, Philippines – Nasalisihan ang isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec) sa isang restaurant habang kumakain kasama ang iba pang komisyuner.
Sa kumpirmasyon ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, nanakawan siya ng bag sa isang restaurant sa Gil Puyat Avenue malapit sa Roxas Blvd. sa Pasay City.
Ayon kay Garcia, laman ng bag ang kanyang cellphone, pera, cards, at mga ID.
Aniya, nangyari ito bandang ala-1:00 ng tanghali kung saan kasama niya ang lahat ng mga commissioner at ilang staff ng Comelec.
Anim na ibang indibidwal aniya ang nakihalo sa kanila habang kumakain at hindi na nila napansin ang mga ito nang madiskubreng wala na ang kaniyang bag.
“Walang pinipili ang masasamang loob — tao, lugar at oras. Kailangan talaga laging alisto,” ayon pa kay Garcia.
Aminado rin ang opisyal na hindi na niya kinailangan ang dagdag na security dahil wala naman siyang nakakaaway o natatanggap na pagbabanta, kung kaya’t hindi niya lubos maisip na mabibiktima siya ng salisi gang.
Kaugnay nito, nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga pulis para makilala at matugis ang mga suspek. Jocelyn Tabangcura-Domenden