MANILA, Philippines – Tinukoy ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maituturing na economic sabotage ang malalaking ghost at anomalous flood control projects.
Sa pakikipagpanayam sa Baliuag, Bulacan nitong Miyerkules, sinabi ni Marcos na may proyekto sa Barangay Piel na nakarekord na “completed” ngunit nang kanyang inspeksyunin ay wala namang nagawa.
“Falsification ‘yan… at para sa malalaking kaso, maaaring isampa ang economic sabotage,” aniya, sabay diin na tutukuyin ng gobyerno kung saan napunta ang pondo at kakasuhan ang mga responsable.
Galit na ipinaliwanag ng Pangulo ang ₱55-milyong riverwall project na nakatala bilang tapos na kahit wala ni isang araw na trabaho ang isinagawa. Aniya, kung maayos itong naipatupad, malaking tulong sana ito sa irigasyon at pagbawas ng baha sa Bulacan.
Binigyang-diin ni Marcos na ang pagsasampa ng kaso ay nakasalalay pa rin sa resulta ng kanilang legal team, ngunit tiniyak niyang may pananagutin. RNT