MANILA, Philippines – Suportado ni Surigao del Norte 1st District Rep. Francisco “Lalo” Matugas ang imbestigasyon ng Kamara sa pagtaas ng pamasahe sa mga domestic flight, partikular patungong Siargao.
Giit niya, dapat ang biyahe sa himpapawid ay “makatarungan, abot-kaya, at accessible.”
Bilang vice chair ng House transportation committee at co-author ng House Resolution No. 30, tinawag ni Matugas na “hindi makatarungang pasanin” ang presyo ng mga ticket na umabot umano hanggang ₱30,000 round trip. Aniya, malaki ang epekto nito hindi lamang sa mga biyahero kundi lalo na sa mga komunidad na umaasa sa turismo.
Nagpasalamat siya kay Rep. Ronald Singson, pangunahing may-akda ng resolusyon, at iginiit ang pangangailangan ng mga pananggalang gaya ng pansamantalang price cap upang maprotektahan ang mga mamimili.
Kabilang din ang Department of Transportation sa kumikilos matapos ipatawag ang mga airline executive upang ipaliwanag ang mataas na singil kahit nananatiling stable ang fuel surcharge na itinakda ng Civil Aeronautics Board.
Binanggit ng mga mambabatas ang malaking diperensiya ng pamasahe patungo sa mga pangunahing destinasyon gaya ng Siargao, Boracay, Cebu, Bohol, at Palawan kumpara sa ibang rutang halos magkakapareho ang distansya. RNT