MANILA, Philippines – Nasagip ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang biktima ng sexual trafficking sa Urdaneta City, Pangasinan.
Ayon sa NBI, inendorso sa NBI-DADO ang kaso ng isang non profit organization na nakatanggap ng paghingi ng tulong mula sa mga kamag-anak ng mga biktima.
Ayon sa mga kaanak, ang mga biktima ay nasa ilalim umano ng kustodiya ng sindikato ng human trafficking activities sa Northern at Central Luzon.
Lumabas sa imbestigasyon na ang mga biktima at 12 iba pang mga kababaihan ay narecruit na magtrabaho bilang waitress sa Mahogany KTV bar sa Agoo, La Union.
Sa halip, sila ay ibinubugaw para magtrabaho bilang entertainers at inaalok para sa sexual services sa mga lalaking customer.
Ang mga biktima at kanilang kasamahan ay ipinadala at inilipat sa ibang KTV bar sa Urdaneta City, Pangasinan.
Binantaan din sila na babarilin kapag tinangkang tumakas.
Kasama ang NBI-DADO, sinamahan ng mga tauhan ng DSWD ang mga kaanak ng mga biktima sa KTV bar at matagumpay na nasagip ang dalawang biktima.
Itinurn-over na sa DSWD ang mga biktima para sa tamang pangangalaga.
Ang mga biktima ay narecruit at pinangakuan ng buwanang sweldo na P20,000 at pinili na pumirma sa isang kasunduan na nagsasaad na mayroon silang utang sa KTV Bar at hindi aalis hangga’t hindi ito nababayaran.
Gayunpaman, itinanggi nilang tumanggap sila ng anumang halaga mula sa mga recruiter. Jocelyn Tabangcura-Domenden