MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng local disaster councils ang pagsasagawa ng preemptive evacuation sa mga residente ng ilang lugar sa Guinobatan, Albay dahil sa epekto ng Tropical Depression Isang at southwest monsoon o Habagat.
Sa abisong inilabas, inatasan ni Albay Governor Noel Rosal ang paglilikas sa mga residente ng Purok 4, 5, 6, at 8 ng Barangay Masarawag.
Ang Masarawag ay isa sa mga barangay na nasa paanan ng Bulkang Mayon at prone sa lahar at pagbaha.
“All residents are advised to take precautionary measures against hazards, such as flash floods, landslides, and possible lahar flows,” ani Rosal.
Samantala, sinuspinde rin ang face-to-face classes sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan ngayong araw.
Inabisuhan din ni Rosal ang publiko na ipinagbabawal ang pagtawid sa mga ilog habang hindi pa humuhupa ang mga pagbaha.
“All municipal and barangay DRRMCs (disaster risk reduction and management councils) are directed to stay on heightened alert, coordinate closely, and mobilize resources as needed,” dagdag pa sa kautusan.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Guinobatan Mayor Gemma Ongoco na nasa 643 pamilya o 1,931 indibidwal ang inilikas na.
“We are now starting the evacuation. They will be evacuated to a community college campus,” aniya.
Sa huling ulat, tumama na sa Aurora ang Tropical Depression Isang at inaasahang tatawirin ang Hilagang Luzon ngayong araw.
Palalakasin naman nito ang Habagat sa malaking bahagi ng Luzon kabilang ang Bicol region. RNT/JGC