Home NATIONWIDE Ghost, palyadong flood control projects personal na pupuntahan ni PBBM

Ghost, palyadong flood control projects personal na pupuntahan ni PBBM

237
0

MANILA, Philippines – PERSONAL na pupuntahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga lugar na may bahid ng anomalya at may kaugnayan sa flood control projects.

Sa katunayan, sinabi ng Pangulo na handa niyang puntahan at personal na makita ang mga isinusumbong na kung hindi palpak na flood projects ay wala naman pala talagang existing o ghost project.

Aniya, kung hindi man siya makapunta ay may mga engineer na magpupunta sa site at hihingan niya ng ulat hinggil sa kanilang nakita.

Sa kabilang dako, patuloy naman ang panawagan ng Punong Ehekutibo sa publiko na magpadala ng litrato o video na may kaugnayan sa mga kuwestiyonableng proyekto sa baha.

Malaking bagay aniya at napapakinabangan sabi ng Pangulo ang mga impormasyong kanilang natatanggap sa Sumbong mo sa Pangulo.

Samantala, tiniyak ng Pangulo na bubuwagin niya ang katiwalian sa harap ng nabubunyag ng mga ghost projects at pinagkakitaang flood control projects.

Inihayag ito ng Pangulo sa kanyang social media post kung saan, ay sinabi nitong maging sama- sama sana ang ginagawa ngayong paglaban sa korupsiyon.

Giit ng Pangulo, hindi niya palalampasin ang nalantad na ibat-ibang paraan ng katiwalian sa mga proyektong may kaugnayan sa baha.

Kaya ang panawagan ng Pangulo sa taumbayan ay ipagpatuloy lang ang pagpapadala ng impormasyon sa Sumbong sa Pangulo.

Sa kabilang dako, may bago na namang mensahe ang Pangulo sa mga taong nasa likod ng anomalya at ito ay ang “hindi na kayo nahiya.”

Kung nuong SONA ay tila may himig pa ng pakiusap ang katagang “mahiya naman kayo,” sa pinakahuling post naman ng Pangulo ay sinabi nitong, “Hindi na kayo nahiya!!!!

“Hindi na kayo nahiya! Hindi natin palalampasin ito. Ipagpatuloy ang pagpapadala ng inyong ulat sa sumbongsapangulo.ph. Sama-sama nating bubuwagin ang katiwalian,” aniya pa rin. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here