Home NATIONWIDE Amihan, shear line, ITCZ, magdadala ng ulan sa ilang bahagi ng bansa

Amihan, shear line, ITCZ, magdadala ng ulan sa ilang bahagi ng bansa

1
0

MANILA, Philippines – Inaasahang magdadala ng ulan ang northeast monsoon o amihan sa Extreme Northern Luzon, habang dalawa pang weather system ang posibleng makaapekto sa ilang bahagi ng bansa ngayong Huwebes, Nobyembre 19.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang mahinang pag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands dahil sa amihan.

Samantala, posibleng makaranas ng maulap na kalangitan at pag-ulan ang Metro Manila, Aurora at iba pang bahagi ng bansa dahil sa easterlies.

Ayon kay PAGASA weather specialist Leanne Loreto, posibleng mabuo ang shear line dahil sa pagsasalubong ng amihan at easterlies, na magdadala ng ulan sa silangang bahagi ng Northern Luzon.

Inaasahang magdadala ito ng 50 hanggang 100 millimeters na ulan sa mainland Cagayan sa Biyernes, Nobyembre 20.

Samantala, magdudulot naman ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Caraga, Davao Region, Soccsksargen, Leyte at Southern Leyte.

Posible ring magkaroon ng panaka-nakang pag-ulan sa iba pang bahagi ng Mindanao dahil sa ITCZ.

Ayon kay Loreto, posibleng magpatuloy ang epekto ng tatlong weather system sa bansa sa susunod na apat na araw.

Wala namang binabantayang low-pressure area na maaaring maging bagyo nitong Huwebes ng umaga. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here