MANILA, Philippines — Inaasahang malalampasan ng bilang ng mga Muslim ang mga Kristiyano sa buong mundo pagsapit ng 2035, ayon sa bagong pag-aaral ng Pew Research Center na inilabas nitong Miyerkules, Nobyembre 18.
Batay sa pag-aaral, posibleng umabot sa 2.57 bilyon ang populasyon ng mga Muslim sa 2035, kumpara sa 2.52 bilyong Kristiyano.
Noong 2020, tinatayang nasa 2.27 bilyon ang mga Kristiyano habang 2.02 bilyon naman ang mga Muslim sa buong mundo.
Pangunahing dahilan ng inaasahang pagbabago ang mas mataas na fertility rate at mas batang populasyon ng mga Muslim.
Sa datos ng Pew, nasa 3.1 anak ang tinatayang average fertility rate ng bawat babaeng Muslim noong 2020 hanggang 2025, kumpara sa 2.5 sa mga Kristiyano.
Nilinaw ng mga mananaliksik na hindi pangunahing dulot ng pagpapalit ng relihiyon ang mas mabilis na paglaki ng populasyon ng Muslim.
Kung magpapatuloy ang kasalukuyang demographic trends, posibleng lumampas sa 3.6 bilyon ang mga Muslim pagsapit ng 2070, habang inaasahang aabot sa halos 3 bilyon ang mga Kristiyano.
Inaasahan ding magiging Pakistan ang bansang may pinakamalaking populasyon ng Muslim sa 2070, na malalampasan ang Indonesia.
Samantala, bagama’t inaasahang patuloy na dadami ang mga Kristiyano sa buong mundo, posibleng mawala ang kanilang pagiging mayorya sa populasyon ng Estados Unidos pagsapit ng 2070.
Binigyang-diin ng Pew na mga pagtataya lamang ang naturang bilang, batay sa mga umiiral na datos at trend sa panganganak, pagkamatay, migrasyon at pagbabago ng relihiyosong pagkakakilanlan.
Hindi rin nangangahulugan ang inaasahang paglaki ng populasyon ng Muslim na direktang bumababa ang bilang ng mga Kristiyano sa buong mundo. RNT