Home METRO Flood Control Summit, ginanap sa Valenzuela

Flood Control Summit, ginanap sa Valenzuela

310
0

MANILA, Philippines – NAGSAGAWA ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ng pagpupulong, kasama ang mga lokal na opisyal, dalubhasa, at kinatawan ng bawa’t komunidad na layong talakayin ang komprehensibong mga paraan upang mapababa ang epekto ng pagbaha sa lungsod.

Pinangunahan ni Mayor Wes Gatchalian ang pagpupulong na ginanap sa Alert Multi-purpose Center, Sabado ng umaga, Agosto 23 matapos makaranas ng matinding pagbaha ang lungsod na epekto ng mga nagdaang bagyong Crising, Dante, at Emong na nagpalakas sa habagat na nakaapekto sa libo-lbong pamilya na dahilan upang magdeklara ang alkalde ng state of calamity.

Kabilang sa mga napagpulungan ang inilunsad na Tinig ng Barangay na direktang malalapitan ng mga residente upang ipaabot sa alkalde ang pagkabahala kapag sila’t binabaha, paglikha ng Task Force Kalinisan at Oplan Balik Linis Ganda, at patuloy na pagpapadami at rehabilitasyon ng mga pumping stations lalu na sa mga mabababang lugar ng Balangkas, Poblacion, Polo, Isla, Wawang Pulo, Coloong, at Marulas.

Inilatag din ni Mayor Wes ang paglalaan ng pondo sa mga proyektong pang-inprastraktura tulad ng Panatag Water Catchment sa McArthur Highway sa Brgy. Dalandanan, pakikipagtulugan sa mga ahensiya ng pamahalaan at ang pagpasok sa isang kasunduan ng lokal na pamahalaan sa the University of the Philippines Resilience Institute at NOAH Center na pinangunahan naman ni UP president Atty. Angelo Jimenez at UPRI Executive Director Dr. Mahar Lagmay.

“Sisiguraduhin natin na kalidad ang gagamitin sa ating flood control projects, at hindi substandard. Hindi ito negosyo, ito ay para sa ikapapanatag ng bawat Pamilyang Valenzuelano. Long term solution, hindi band-aid solutions. Kasama kayo sa solusyon,” pagtiyak ng alkalde. Merly Duero

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here