MANILA, Philippines – Hinimok ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang pamahalaan na aprubahan na ang panukalang 50 percent na discount sa pamasahe sa tren para sa minimum wage earners.
Sa kalatas nitong Sabado, Agosto 23, nanawagan si TUCP Party-list Rep. Raymond Democrito Mendoza sa Department of Transportation na tulungan ang mga low-income earner sa kanilang mga gastusin sa pamamagitan ng naturang hakbang.
Aniya, madali lamang matukoy kung kwalipikado sa discount ang manggagawa sa pamamagitan ng employment records nito o pay slip.
“Don’t let the meager salary of the worker, which should be for food and housing, be sacrificed just to get to and from work,” sinabi pa ni Mendoza.
Sa kasalukuyan, ang mga estudyante, senior citizen at persons with disabilities ay may 50-percent fare discount sa Metro Rail Transit-3 at Light Rail Transit Lines 1 at 2 systems hanggang 2028.
Kabilang sa discount ang mga estudyante mula kindergarten hanggang graduate school, kabilang ang mga nasa Alternative Learning System at Special Education programs. RNT/JGC