MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Luis Antonio Cardinal Tagle ang makasaysayang deklarasyon ng National Shrine of Our Lady of Aranzazu sa San Mateo, Rizal nitong Biyernes.
Sa isang banal na misa, opisyal na idineklara ang simbahan bilang pambansang dambana, na tahanan ng 17th-century image ng Our Lady of Aranzazu na isang puting-larawang Birheng Maria na may hawak na batang Hesus sa isang braso at mansanas sa kabila, habang nakatayo sa punong may tinik.
Kasama ni Tagle sina Antipolo Bishop Most Rev. Ruperto C. Santos at CBCP Secretary General Rev. Msgr. Bernardo Pantin, na bumasa ng opisyal na deklarasyon.
Sa kanyang homiliya, nagbigay-diin si Tagle sa kasaysayan ng Mahal na Birhen at sa kahulugan ng “tinik” na aniya’y sumisimbolo sa mga pagsubok na kanyang hinarap.
Biniro din niya ang mga mananampalataya at nagbigay pahiwatig sa pagkasira ng kalikasan bunsod ng gawa ng tao na nagdudulot ng pagbaha.
Ang kardinal, na nakabase sa Vatican bilang Pro-Prefect ng Dicastery for Evangelization, ay pansamantalang nasa bansa upang dumalo sa anibersaryo ng kasal ng kanyang mga magulang.
Bago ang seremonya sa simbahan, nagdaos ng civic reception ang lokal na pamahalaan ng San Mateo sa pangunguna ni Mayor Bartolome Rivera bilang pagbati kay Cardinal Tagle.
Ayon kay shrine rector Fr. Rodrigo Eguia, malaking karangalan ang presensya ni Cardinal Tagle sa makasaysayang okasyon na dinaluhan ng maraming obispo at daan-daang pari mula sa Rizal.
Unang ipinakilala ang debosyon sa Our Lady of Aranzazu noong 1705 ni Fr. Juan Echazabal, SJ.
Isang marker ang inilunsad bago ang misa bilang tanda ng bagong katayuan ng simbahan, habang nag-alay naman ng sayaw ang mga estudyante na nakasuot ng makukulay na kasuotan sa labas ng dambana. RNT/JGC