UNITED STATES – Ipinahinto ng US Federal Government ang konstruksyon ng isang dambuhalang wind farm sa baybayin ng Rhode Island na nasa 80 porsyento na ang natatapos.
Ang Revolution Wind project, na sinimulan noong nakaraang taon matapos makakuha ng lahat ng kinakailangang permit, ay nakatakdang magbigay ng kuryente sa mahigit 350,000 kabahayan sa Rhode Island, ayon sa developer nitong Danish renewables firm na Orsted.
Sa inilabas na liham ni Matthew Giacona, acting director ng Bureau of Ocean Energy Management (BOEM), inatasan ang proyekto na “ihinto ang lahat ng aktibidad” upang bigyang-daan ang pagsusuri kaugnay ng pambansang seguridad ng US. Hindi naman tinukoy ang detalye ng naturang alalahanin.
“You may not resume activities until BOEM has completed the review,” ayon sa BOEM.
Tugon ng Orsted, kanilang “tinitingnan ang lahat ng opsyon upang maresolba agad ang usapin,” kabilang ang posibleng pagsasampa ng kaso.
Nabatid na 45 sa planong 65 wind turbines ang na-install na, at inaasahang matatapos sana ang proyekto sa huling bahagi ng susunod na taon.
Ang pagpapatigil ay kasunod ng serye ng mga hakbang ng administrasyon ni US President Donald Trump laban sa mga proyektong renewable energy, matapos niyang ipahayag na “wind doesn’t work.”
“It destroys everything, it looks terrible, it’s a very expensive form of energy — and we’re not doing the wind, we’re going back to fossil fuel,” ani Trump sa isang pahayag sa Washington nitong Huwebes.
Samantala, habang bumabagal ang renewable energy projects sa US, patuloy namang bumibilis ang pagtatayo ng wind at solar farms sa China at Europa.
Kamakailan, inihayag din ng Orsted na magbebenta ito ng shares para makalikom ng $9.4 bilyon dahil sa serye ng pagkakaantala sa kanilang mga proyekto sa US.
Noong Abril, pansamantalang ipinatigil din ng administrasyon ni Trump ang Empire Wind project ng Norway’s Equinor sa New York. RNT/JGC