UPANG mabigyang hustisya ang abala, perwisyo at hirap na dulot sa mga motorista at mananakay ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at iba pang panig ng bansa, pinag-aaralan ng Lawyers for Commuters Safety and Protection ang paghahain ng ‘class suit’ laban sa mga sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Ayon sa LCSP, hindi dapat santuhin ang mga sangkot sa malawakang nakawan sa gobyerno kahit pa ang mga ito ay mula sa Malakanyang o opisyal ng pamahalaan.
Para sa LCSP, dapat lang managot ang mga may sala sa mga motorista at mananakay na nahirapang makapasok sa trabaho at makauwi ng bahay dahil sa bahang idinulot ng malakas na ulang dala ng bagyong “Isang”.
Marami ang napeperwisyo kapag may matinding baha at iyon ay damang-dama ng mga motorista at commuters ang epekto sa kanilang buhay at kabuhayan.
Kapag baha, batid naman ng lahat, na lalong tumitindi ang trapik. Maraming sasakyang inabutan ng baha sa kalsada ang hindi makausad at nababad sa tubig ang makina at ibang piyesa dahilan upang masira ito.
Sa pagkasira ng sasakyan, malaking perwisyo para sa may-ari sapagkat kailangang dalhin sa casa o pagawaan at ang ibig sabihin nito ay ‘pera’. Kailangang maglabas ng pera upang maipagawa ang sasakyan.
Bukod pa ito sa kalbaryo sa mga commuters na hirap makasakay upang makauwi sa kanilang pamilya ng ligtas. Marami ang stranded.
Ang masaklap pa, may mga naglalakad sa tubig-baha at kapag minalas-malas ay nilalagnat pag-uwi ng bahay, nagsusuka at kung ano-ano pang sakit na dulot ng leptospirosis, sakit na nakukuha mula sa ihi ng daga.
At kapag naman nawala ang baha, makikita na o makatitiyak na sira-sira o lubak-lubak ang mga kalsada na ang laki ng butas ay halos kasinlaki ng planggana. Gastos na naman para sa pamahalaan.
Totoong pinakaapektado ang commuters at mga motorista. Kaya kung walang magagawa ang kongreso sa umano’y malawakang korapsyon sa flood control projects na nagiging dahilan ng bilyon-bilyong pisong “ghost projects” na pinagkakakitaan ng ilang opisyal ng gobyerno, handa ang LCSP na maghain ng demanda.
Pero sa ngayon, pinag-aaralan pa ang pagdedemandang class suit laban sa mga sangkot sa anomalya.
Hayan, abangan!






