Home OPINION NAGHUHUMIYAW NA MGA EBIDENSYA

NAGHUHUMIYAW NA MGA EBIDENSYA

243
0

KUNG nanaisin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ay napakadali lang habullin at parusahan ang mga dayukdok na nagnakaw sa kaban ng bayan sa pamamagitan ng guni-guning flood control projects.

Nakita na niya mismo ang kakila-kilabot na garapal na pagnanakaw ng mga opisyal at kontraktor ng Department of Public Works and Highways sa ginawa niyang pagbisita sa mga nangasirang pangharang kuno sa baha.

Hindi na kailangang magpaligoy-ligoy pa para kasuhan at bulukin sa bilangguan ang mga nasa likod ng mga pandarambong na ito.

Sumambulat na mismo ito sa mukha ni PBBM. Kaya nga sabi niya, siya ay galit na galit.

Kung gusto talaga ng Pangulo ng kalutasan sa mga kasong ito, sibakin muna niya si DPWH Secretary Manuel Bonoan.

Bilang kalihim ng DPWH, command responsibility ni Bonoan ang nangyaring kawalanghiyaang ito.

Huwag lang sibakin, kasuhan din ang mga regional at district engineers ng DPWH na nasa likod ng mga pagnanakaw sa pera ng taumbayan.

Pihadong aaray si Bonoan at mga engineer at magsasabing bakit sila lang ang kinasuhan at makukulong.

At kapag nangyari yan, sa gitna ng ginagawang imbestigasyon ng Senado at Kamara ay tiyak na may magsisikanta sa mga ito. Ituturo nila ang kanilang mga kasapakat na contractors at mga politiko, karamihan ay nasa “house of thieves”.

Diyan na magkakagulo ang kanilang mga buhay. Siyempre, hindi papayag ang mga demonyong politiko kaya ituturo rin nila ang mga mas demonyo pa sa kanila na wala pa man sa impiyerno ay sinusunog na ang kaluluwa.

Hindi na kinakailangang magpakasipag ni PBBM sa pag-iinspeksyon sa mga tinayuan kuno ng flood control projects para lang “mangamote” o mangamot ng ulo dahil kusa nang maglilitawan ang mga kawalanghiyaang ginawa ng mga mandarambong.

Halimbawa ang mag-asawang Discaya ng Pasig na hindi pa tinotortyur ay dati nang umamin sa pagkakamal ng limpak-limpak na salapi sa mga proyekto sa gobyerno.

Ipinagyabang ng mga Discaya na ang paglaki ng kanilang negosyo at mabilis na pagyaman ay simula nang makakuha ng malalaking kontrata sa DPWH.

Naghuhumiyaw na ang mga ebidensya laban sa mga Discaya nang ipakita nila ang kanilang napakalaking garahe na kinalalagyan ng mahigit 40 ultra-luxury vehicles—mula sa customized Rolls-Royces hanggang sa Hermes-upholstered Bentleys.

Habulin, kasuhan at ipakulong na ang mga ito bago pa sila makatakas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here