KAPAG nagkambal ang kalikasan at korapsyon sa pagkilos, wala talagang kawala ang Pilipinas sa matinding kasiraan.
May namamatay, may nasusugatan, may nami-missing, may nababaliw, may nasisiraan ng iba’t ibang ari-arian, may nawawalan ng hanapbuhay, may nawawalan ng kinabukasan kinabukasan at marami pang iba.
At tuloy-tuloy ang mga kamasalang ito na nagtatagal hindi lang ng kung ilang araw, linggo o buwan kundi maraming taon o deka-dekada o kaya’y daang taon.
Maraming taon o walang hanggan ang masasamang galaw ng kalikasan na mapanira.
Matagalan din ang tuloy-tuloy na mapanirang korapsyon gaya ng tatlo hanggang siyam o 12 taon o higit pa kung laging mananalo sa halalan ang mga korap at kanilang mga kamag-anak at kakosa.
Ganyan katindi ang pinagsamang masamang kalikasan at korapsyon o pandarambong.
LABAN SA KALIKASAN AT KORAPSYON
Kung iisipin, halos wala tayong magagawa kung sumalakay ang masamang kalikasan gaya ng mga bagyo, ulan, baha, landslide, lindol at iba pa.
Pero napatunayan na rin sa siyensiya na pupwedeng harapin at talunin ang kalikasan sa paggawa ng mga typhoon, ulan, baha, landslide at lindol proof na mga gawa.
Sa lindol nga na walang nakaaalam kung kailan ito manalasa at talaga namang mapanira, may mga gawang earthquake proof na istruktura o imprastraktura at patunay rito ang mga tulay sa Kamaynilaan na mahigit nang 100 taon ang mga edad.
Pero magagawa lang ang mga imprastrakturang magtatagal ng maraming taon hanggang mahigit 100 taon kung walang halong korapsyon ang paggawa sa mga ito.
At ang magandang balita, naririyan ang mga batas para rito gaya ng Republic Act No. 12009, Hulyo 20, 2024 o New Government Procurement Act.
Nag-uutos ito ng 15 taong warranty sa mga ginagawang permanenteng istraktura o imprastraktura, 5 taon para sa mga semi-permanent at 2 taon sa iba pa.
Palatandaan ang mga ito ng paniniwala na hindi dapat masira kaagad ang mga istruktura o imprastraktura at sa halip, dapat magtagal habambuhay, hangga’t maaari.
ANTI-FLOOD, ROCKSHED PROJECTS
Sa dinami-rami ngayong natatagpuang ghost, substandard, putol-putol at iba pang anti-flood project na dineklarang tapos na at may kalidad na naayon sa panukat ng batas, subaybayan na lang natin ang imbestigasyon ng Senado.
Pero may iba pang kaugnay na istruktura o imprastraktura na gawa ng mga korap.
Halimbawa rito ang P274 milyong 152 metrong rockshed sa Kennon Road, Tuba, Benguet na sinadyang gawin laban sa mga naglalaglagang bato mula sa itaas.
Kinuha mula sa 2022 pambansang badyet ang paggawa rito ngunit natagpuan mismo ni Pangulong Bongbong Marcos na walang silbi dahil nagiba ang malaking bahagi nito sa kawalang ng riprap, undersized, walang pundasyon at iba pa.
In-overprice rin nang apat na beses ang rockfall netting na natapos na noong Hunyo 2019 kaya nakakikbak ng 75% ang kontraktor at kakosa niyang mambabatas.
Ang higit na masama, kailangan pa ring kunan muli ng buwis ang mga mamamayan ng P274M para ma-repair ang rockshed.
Huhuhu!
Kailangan nang buhayin muli ang parusang bitay para once and for all, mabawasan ang mga korap sa mahal kong Pinas.






